The Text

I have purposely written this one in the vernacular (Filipino) because I felt that it would be best to express my thoughts on a very touching SMS I received tonight. I guess it would make more people understand the thoughts and feelings involved in writing this one down.

The text:

Ngayon lang ako natapos sa mga chores ko. Thank you so much for always being there. Kahit wasak na ‘ko, nandyan ka pa rin to listen. Pahinga ka na din. Good night!

Alam mo, gustung-gusto ko sagutin ang text mo na ‘to pero ‘di ko na lang yan sasagutin. Dito na lang. Isusulat ko na lang ang mga gusto kong sabihin.

Bakit ko nga ba ginagawa ang walang humpay na makinig sa lahat ng sinasabi mo? Madalas nga paulit-ulit na lang. Nakakapagod? Oo, minsan, nakakaramdam ako nun. Tao lang naman ako. Pero yung nararamdaman ko e yung masayang klase ng pagod kesa sa nakakasuya o nakakainis. Naintindihan kasi kita at alam na alam ko ang pakiramdam ng may ganyang pinagdadaanan.

Sa mga ganitong pagkakataon ko nararamdaman na kailangan mo ‘ko. Sa ganitong paraan ko nakikita ang mga kahinaan mo na dati ko ng alam pero ‘di mo maamin sa sarili mo. Gusto mo mag-isa at sabi mo nga, kaya mong mag-isa. Sa mga pangyayari at ganap sa buhay mo, alam mo na siguro sa sarili mo na kailangan mo ng karamay. Kailangan mo ng makikinig sa ‘yo para lang mailabas mo lahat ng hinaing mo sa buhay na hindi ka huhusgahan dahil aminado ka na sa sarili mo na may kahinaan ka dahil tao ka at hindi ka makina.

Alam mo na rin siguro ngayon na mahirap ang mag-isa. Ganyan kasi ako dati. Sa mga pinagdaanan ko sa buhay, alam kong kaya ko at kakayanin ko mag-isa ang lahat. Pero alam na natin na hindi ganon ang buhay. Kakailanganin pa rin natin ng kahit isang taong pwede nating takbuhan sa oras na mangailangan tayo ng karamay o kahit makikinig lang sa mga gusto at kailangan natin sabihin para makagaan man lang sa ating kalooban. Siguro nga ako yun para sa ‘yo pero hindi ko rin alam. Baka kasi asumera lang ako.

Andito ako kasi ginugusto ko na dinadamayan ka at ang pamilya mo. Ginugusto ko na pinakikinggan ka. Ginugusto ko na makasama ka sa oras ng pangangailangan mo. At higit sa lahat, ginugusto ko ‘to kasi importante ka sa ‘kin.

Hindi ko alam kung tanga ka, nagtatanga-tangahan o sadyang naging bato na ang puso mo. Pero umaasa ako na sana naiisip mo man lang ang posibilidad na kaya ako andito, kasi ginusto kong andyan lang ako para sa ‘yo kahit alam kong malamang hindi na tayo pareho ng iniisip, ng nararamdaman. Andito pa rin ako kasi kahit na sinasabi mong wasak ka na, ikaw pa rin ang taong laman ng puso ko at tanggap ang pagiging wasak mo.

Sana…sana lang…alam mong hindi ako andito para lang makinig. Andito ako kasi ito ang paraan ko para maipakita at maparamdam sa ‘yo na mahal pa rin kita. Wasak ka man o hindi.